Gusto mo bang makatulong nang mahimbing sa gabi? Sundan ang mga tips na ito.
Hirap ka bang makatulog sa gabi? Maaaring meron kang mga nakagawian na imbes na makatulong ay nagiging dahilan para maudlot ang dapat sana’y masarap mong tulog. Paano nga ba makakatulog nang mahimbing ang isang taong hirap humanap ng tulog sa gabi? Narito ang pitong payo ng mga eksperto na dapat mong tandaan.
Gawing ‘sleep-friendly’ ang iyong kwarto.
Maituturing na sleep-friendly ang malamig o cool na kwarto kasabay ang dark o dim light para tulungan ang iyong katawan na makatulog nang mahimbing. Nati-trigger kasi ng dilim ang melatonin o sleep-inducing hormone sa utak.
Gumawa ng schedule para sa iyong pagtulog at paggising.
Mas mabilis makasanayan ng katawan ang paggising at pagtulog kung meron kang sinusundang schedule. Ugaliing matulog at gumising sa parehong oras araw-araw.
Iwasan ang panonood ng TV o paggamit ng gadget sa gabi.
Ayon sa mga eksperto, dapat dalawang oras bago matulog ay hindi ka na gumamit pa ng anumang gadget o TV na naglalabas ng blue light. Dinadaya kasi nito ang utak sa pag-aakalang hindi pa panahon para ikaw ay matulog.
Iwasang magkape ng alanganing oras.
Hindi masamang magkape, subalit dapat mong iwasang uminom ng kape kung lagpas alas-4 ng hapon at ikaw ay hirap makatulog. Tumatagal kasi ang epekto ng kape sa katawan sa loob ng anim o higit pang oras na maaaring makaapekto sa iyong pagtulog.
Mag-warm shower bago matulog.
Mas mabilis daw lumamig ang temperatura ng katawan na ideal para sa pagtulog kung magha-hot shower ka isang oras bago ka matulog sa gabi. Nakakarelax din ng muscles ang hot shower.
Makinig ng classical music.
Ayon sa pag-aaral, ang pakikinig ng mabagal na tugtog kagaya ng classical music ay makatutulong para makatulog ka sa gabi. Ito ay dahil sa relaxing ng slow rhythm music na nakatutulong din para maibsan ang depression.
Sumamyo ng lavender oil.
Kahit noong una pa, kilala na ang lavender bilang relaxing agent. Ang samyo ng lavender ay nakatutulong para i-relax ang iyong mga nerves at pababain ang iyong blood pressure. Sumamyo ng lavender oil sa loob ng 2-3 minuto kada 10 minuto para makatulog ng mahimbing.
Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na tulog para sa malusog na katawan. Sa tamang pagtulog, maiiwasan ang maraming sakit at magiging mas energetic kang harapin ang bawat araw, sa bahay man o trabaho. - DAVE CALPITO
COMMENTS