Sa artikulong ito, malalaman mo ang iba-ibang mga paraan para mapabagal ang iyong pagtanda. Basahin.
ni Dave Calpito
Pakiramdam mo ba ay tumatanda ka na? Ang pagtanda ay isang bagay na sadyang hindi maiiwasan. Ngunit, mayroong mga paraan nang sa gayon ay lagi pa ring bata ang iyong pakiramdam.
Sa librong "Payo Ni Dok: Solusyon Sa Mga Sakit" nina Dr. Willie Ong at Dr. Liza Ong, naglatag ang mga nasabing eksperto ng ilang mga hakbangin para mapabagal ang pagtanda.
Naririto ang ilan:
1) Tumawa sa loob ng 15 minutos araw-araw. Bukod sa nakatatanggal ang pagtawa ng problema, nakakaiwas din sa depresyon o matinding pagkalungkot ang taong mahilig tumawa. Tunay nga, "laughter is the best medicine."
2) Piliin ang brown rice at wheat bread. Hangga't maaari, iwasan mo ang pagkain ng sobrang daming kanin. Hindi ito healthy sa katawan.
3) Piliin ang berdeng gulay at prutas. Kumain ka ng prutas araw-araw. Masusustansiya ang saging, pakwan, mansanas, at iba pa. Ang rekomendadong sukat ng prutas at gulay ay tig-dalawang tasa kada araw.
4) Mag-ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay nakababata rin ng pakiramdam, sapagkat lumalabas ang iyong happy hormones sa tuwing nag-eehersisyo ka. Maaari kang lumangoy, maglakad-lakad, mag-jogging, at sumayaw araw-araw.
5) Iwasan hangga't maaari ang polusyon at usok. Bakit? Dahil, nasisira ang iyong kutis kung sakaling exposed ka lagi sa mga ganito.
6) Paganahin lagi ang iyong utak. Hangga't maaari, kahit may-edad ka na, huwag ka pa ring magretiro, para laging may ginagawa ang iyong katawan at utak.
7) Say "no" sa sigarilyo. Nakakakulubot ang paninigarilyo. Bukod din sa mga sakit na dulot nito, kagaya ng kanser, ginagawa ring dilaw ng paninigarilyo ang iyong mga ngipin -- bagay na nakatatanda.
8) Iwasan ang pangungutang. Ito ay para wala kang masyadong iniisip. Mamuhay lang sa kaya ng iyong income.
9) Mahalaga ang sapat na oras ng tulog. Ang rekomendado ng mga eksperto ay pito hanggang walong oras na tulog kada araw. Tandaan na ang tulog ang nagpapalakas sa katawan ng tao.
10) Makipagkaibigan. Piliin ang mga kaibigang mababait at masiyahin. Sila ang klase ng mga tao na nakakatanggal ng stress sa buhay.
Hayan, sa pamamagitan ng sampung tips sa itaas, pihadong maiiwasan mo ang mabilis na pagtanda. Good luck!
COMMENTS